Nanawagan ang isang digital advocate group sa pamahalaan na review-hin at i-update ang Republic Act 11934 o SIM Registration Act upang malabanan ang mga bagong uri ng online fraud at text scams.
Sinabi ng grupong ‘Digital Pinoys’ na ang mga scammer ngayon ay gumagamit ng over-the-top apps, gaya ng Telegram, Viber, Messenger, at Signal, para sa fraudulent schemes.
Binigyang diin ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo na dapat ay well-equipped ang law enforcement agencies at may kakayahang gawin ang kanilang trabaho kaugnay ng SIM-based offenders.
Ito, aniya, ay dahil kahit gaano kalakas ang batas, subalit hindi tama ang pagpapatupad, ay wala ring mangyayari.
Sa datos mula sa PNP, lumobo ang Cybercrime ng 21.8% sa unang quarter ng 2024 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera