dzme1530.ph

Bagong lider ng BI, hinimok na madaliin ang reimbursement sa mga na-offload na pasahero

Hinimok ni Senate President Francis Escudero ang bagong talagang commissioner ng Bureau of Immigration na si Atty. Joel Anthony Viado na bilisan ang reimbursement sa mga gastos ng mga pasahero sa mga eroplano na na-offload dahil sa mahabang pagtatanong ng mga tauhan ng BI.

Ayon kay Escudero, Ber months na pero wala pa kahit isa ang nababayaran sa mga na-offload na mga pasahero.

Napakabilis aniyang mag-offload ang BI ngunit napakabagal naman nilang magbayad.

Matatandaang iginiit ni Escudero na malagyan ng special provision ang 2024 General Appropriations Act na dapat ma-reimburse ang mga pasahero ng mga eroplano na maiwanan sa biyahe dahil sa Interogasyon ng mga taga-BI, na inilarawan niya bilang Panginoon, sa gate ng airport.

Manggagaling ang pondo sa unutilized collections ng BI na ibinabalik sa Bureau of Treasury.

Batay sa record, noong 2022 ay may 32,404 na mga pasahero sa eroplano ang naiwanan sa biyahe.

472 lamang sa mga ito ang napatunayang biktima ng Human Trafficking o Illegal Recruitment.

Karamihan sa mga naiwan sa biyahe lalo na ang mga OFWs ay kailangang gumastos ng karagdagan para sa rebooking, hotel at pagkain. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author