Binigyan ng Comelec si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo ng panibagong sampung araw para maghain ng kanyang counter-affidavit sa subpoena na isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y material misrepresentation noong 2022 elections.
Ito’y matapos katigan ng poll body ang ikalawang motion for extension of time na inihain ni Guo noong nakaraang linggo.
Nakasaad sa order ng Comelec na mayroong sampung calendar days ang dismissed mayor, mula Sept. 2 hanggang Sept. 12 para makapagsumite ng kanyang counter-affidavit.
Tugon ito ng poll body sa inihaing mosyon ng kampo ni Guo na humihirit ng extension na 15 araw, mula Sept. 1 hanggang Sept. 16, 2024.
Una nang binigyan ng Comelec si Guo ng hanggang Aug. 23 para maghain ng kontra-salaysay subalit naurong ito ng Aug. 27 bunsod ng public holidays, at nausod pa hanggang Sept. 1 dahil naman sa masamang panahon. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera