dzme1530.ph

PBBM, nagbigay ng ₱150-M sa PH Children’s Medical Center

Nagbigay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng ₱150-M para sa pagpapaganda pa ng mga kagamitan sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Childhood Cancer Awareness Month, inihayag ng Pangulo na mahalaga ang early o maagang cancer diagnosis at treatment para sa mas maayos na kalidad ng buhay ng mga batang may cancer.

Kaugnay dito, ibinida ng Pangulo ang PCMC Legacy Tower na magsisilbing liwanag ng pagasa sa kabataan at maging sa susunod na henerasyon.

Ipinagmalaki rin nito ang bagong diagnostic imaging machines, ang 3 Tesla MRI, 128-slice CT Scan, at Dynamic DR X-ray machine na makapagbibigay ng mas malaking “fighting chance” sa mga batang pasyente.

Tiniyak ng Pangulo sa mga batang may sakit at kanilang mga pamilya na hindi sila nag-iisa sa laban dahil sinisikap ng gobyernong maihatid ang dekalidad na healthcare at medical assistance lalo na para sa mahihirap.

Samantala, sa pagtatapos ng seremonya ay inawitan ng Happy Birthday ng mga batang may cancer ang Pangulo, para sa kanyang ika-67 kaarawan sa Sept. 13, araw ng Biyernes. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author