dzme1530.ph

Hirit na isailalim sa kustodiya ng militar si Apollo Quiboloy, ibinasura ng DND

Agad ibinasura ng Department of National Defense (DND) ang hiling ng kampo ni Pastor Apollo Quiboloy na isailalim ito sa kustodiya ng militar.

Simula noong Linggo ng gabi ay nasa kustodiya ng PNP si Quiboloy, at mga co-accused nito na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, at Sylvia Cemanes, matapos arestuhin sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), sa Davao City.

Sinabi ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na naghain sila ng motion to transfer sa custody ng KOJC leader sa Armed Forces of the Philippines.

Gayunman, ilang oras matapos ihain ang motion ay inihayag ni DND Spokesperson Arsenio Andolong, na tinatanggihan ng ahensya ang anumang hiling na mailipat sa AFP ang kustodiya kay Quiboloy.

Paliwanag ni Andolong, ang AFP facilities ay subject sa strict operational security protocols, kaya hindi ito ang tamang ahensya para mag-kustodiya sa mga suspek na nahaharap sa mga kasong kriminal. —ulat mula kay Allen Ibañez, DZME News, sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author