dzme1530.ph

BRP Gabriela Silang, namataang bantay-sarado ng CCG vessel malapit sa Bajo de Masinloc

Isang China Coast Guard (CCG) vessel ang naispatang sumusunod sa BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, ayon sa International Maritime Monitor.

Sinabi ni SeaLight Director Ray Powell, na binuntutan ng 100-meter CCG vessel 3302 ang 84-meter PCG ship na nagpa-patrolya, 50 hanggang 75 nautical miles mula sa shoal.

Inihayag ni Powell na dating US Air Force officer, na karaniwan ay nakapwesto ang barko ng PCG, 15 nautical miles mula sa shoal, at nagbibigay ng anumang tulong sa mga mangingisdang Pilipino.

Gayunman, nitong mga nakalipas na araw aniya ay bihirang makalapit ang PCG vessels sa entrada ng Bajo de Masinloc.

Idinagdag ni Powell na anim na militia ships ang dumating din sa Scarborough Shoal mula sa military base ng China sa Panganiban Reef o Mischief Reef kasunod ng pag-alis ng mga ito bunsod ng bagyong Enteng noong nakaraang linggo. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author