Iginiit ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pangangailangan na magkaroon ng mas maraming opsyon sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng gobyerno.
Sinabi ni Cayetano na dapat masuring mabuti ang iba pang solusyon upang mas maayos na matugunan ang pangangailangan ng iba’t ibang sektor.
Bagama’t suportado ng senador ang programa dahil sa matagumpay na pagpapatupad nito sa lungsod ng Taguig, aminado si Cayetano na marami pa ring mga operator at tsuper ang nangangamba sa pagsulong nito.
Binanggit din ng senador na kailangan iakma ang programa sa mga lokal na kondisyon lalo’t maraming mga tsuper ang nag-aalala at hindi sigurado sa kanilang hinaharap sa ilalim ng kasalukuyang plano.
Iminungkahi rin ni Cayetano na dapat isaalang-alang ng programa ang mga alternatibong pamamaraan upang makatulong sa iba’t ibang sektor.
Inihalimbawa ng senador ang paggamit ng mga electric van para sa mga turista sa mga lugar tulad ng Palawan at iba pang rehiyon bilang isang opsyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News