Matapos ang pagkakadakip kina dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at puganteng KOJC Leader Apollo Quiboloy, tiwala si Interior Sec. Benhur Abalos na susunod nang makukuha ng pamahalaan ang kustodiya kay expelled Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.
Sa harap ng mga Pilipino sa Dubai, kagabi, ibinida ni Abalos ang pagkaka-aresto sa dalawang high-profile fugitives, na kinabibilangan ni guo na naaresto sa Tangerang City sa Indonesia noong nakaraang Miyerkules at ni Quiboloy na nasakote sa KOJC Compound sa Davao City, pasado ala-6 kagabi.
Umaasa si Abalos na makukuha ng gobyerno ang kustodiya kay Teves na aniya ay pumatay kay Negros Gov. Roel Degamo noong 2023.
Si Teves ay nasa ilalim ng kustodiya ng Timor Leste Police simula noong Marso matapos dakpin sa bisa ng International Criminal Police Organization (Interpol) Red Notice na inilabas noong Pebrero. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera