Kwestyonable para kay Sen. Risa Hontiveros ang pagkakatalaga sa isang immigration official na naugnay sa ‘pastillas scam’ bilang pinuno ngayon ng border control and intelligence unit (BICU) ng Bureau of Immigration.
Ito ay makaraang matukoy ni Hontiveros na ang tumatayo ngayong acting chief ng BICU si Vincent Bryan Allas na una nang nahatulan ng Ombudsman na ‘administratively liable for grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service’ noong 2022.
May kaugnayan ito sa isyu ng ‘pastillas scam’ o ang modus na pagtanggap ng mga immigration officials ng ‘lagay’ para madaling makapasok sa Pilipinas ang mga dayuhan.
Binigyang-diin pa ng senadora na napatalsik na sa serbisyo si Allas at nahaharap rin ito sa graft cases sa sandiganbayan.
Sensitibo rin aniya ang tungkulin ng BICU na may kaugnayan sa border control ng bansa.
Tugon naman ni BI chief of intelligence division Fortunato Manahan Jr., ang pagkakatalaga kay Allas ay base sa order ng BI commissioner. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News