dzme1530.ph

Kampo ni Alice Guo, walang ikakantang ibang sangkot sa POGO

Nanindigan ang kampo ni dismissed Mayor Alice Guo na walang ikakantang mga kasabwat nito kaugnay sa POGO operations.

Sa panayam sa Senado, sinabi ni Atty. Stephen David na wala rin siyang nakikitang pangangailangan na hilingin nila na gawing state witness si Alice Guo dahil naninindigan ito na wala siyang kinalaman sa POGO.

Gayunman inihayag ni David na batay sa pakikipag-ugnayan niya sa kanyang kliyente na si Alice Guo bago pa siya mahuli ay ninais na niyang sumuko subalit nagdalawang-isip dahil sa takot sa kanyang buhay.

Samantala, umarangkada na ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice and Human Rights kaugnay sa pagtakas nina Alice Guo sa bansa.

Bigong makadalo sa pagdinig si Cassandra Li Ong at nagpadala ng excuse letter ang Quad Committee ng House of Representatives na nagsasaad na dinala sa pagamutan si Ong dahil sa labis na pagbaba ng sugar level at Blood pressure, nangangailangan umano ito ng dalawa hanggang tatlong araw para maka-recover.

Kinumpirma rin ni Sen. Risa Hontiveros na may mga bago silang testigo kabilang na ang sinasabing isang Allan na kasama ni Atty. Elmer Galicia nang i-notaryo ang affidavit ni Alice Guo.

Gayunman, posible aniyang sa executive session humarap ang testigo para talakayin ang iba pang usapin sa isyu. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author