Inaasahang maibabalik sa Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, bukas o sa Biyernes, kasunod ng pagkakaaresto sa kanya sa Tangerang City sa Indonesia.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa kanilang Indonesian counterpart para sa kinakailangang legal procedures.
Sinabi ni Santiago na idi-diretso muna si guo sa B-I para sa immigration violations nito, saka itu-turnover sa NBI para sa pagpo-proseso ng criminal charges na isinampa nila laban sa dating alkalde, kabilang ang 87 counts ng money laundering sa Department of Justice.
Idinagdag ng NBI Director na maaring sa isang lokasyon lamang nagtago si Guo para maiwasan ang mga awtoridad, at nagpa-iksi rin ito ng buhok para ikubli ang kanyang pagkakakilanlan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera