Suportado ng mga Kongresista ang pangako ni DepEd Sec. Sonny Angara na aayusin nito ang mga iniwang problema sa kagawaran ng dating namuno dito na si VP Sara Duterte.
Sa pagtalakay sa proposed ₱798.18 billion 2025 budget ng DepEd, nabahala si Zamboanga Del Norte Rep. Adrian Michael Amatong sa kasalukuyang estado ng edukasyon sa bansa.
Ilan sa matagal nang problema subalit hindi pa rin nalulutas ay sa procurement, shortage sa mga silid-aralan at libro o text book.
Ayon kay Amatong ang buong akala niya ay walang pondo para dito, kaya nakakagalit malaman na may budget pero hindi napamahalaan ng maayos ni VP Sara.
Hamon tuloy nito kay Sec. Angara, itama nito ang mga minanang problema ni Duterte.
Nangako naman si Angara na itutuwid ang lahat lalo na sa distribution ng classrooms.
Humingi rin ito ng pang-unawa dahil bago pa lang siya sa puwesto at hiniling na mabigyan ng pagkakataon na maipakita ang kanilang kakayahan na maayos ang sektor ng edukasyon. —sa panulat ni Ed Sarto