dzme1530.ph

Senado, handang magsagawa ng executive session kung nanaisin ni Shiela Guo

Bukas ang Senado kung hihilingin ni Shiela Guo na magsagawa ng executive session upang ilabas niya ang lahat ng kanyang nalalaman sa mga transaksyon ng mga kumpanya ng pamilya Guo kasama na ang may kinalaman sa POGO operations.

Ito ang tiniyak ni Sen. Sherwin Gatchalian kaugnay sa posibilidad na gawing state witness si Shiela laban kina Alice Guo at iba pang sinasabing mastermind sa mga POGO hub sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Kung mas magiging komportable aniya si Shiela na magsabi ng katotohanan sa kanyang mga nalalaman sa executive session ay maaari nilang isulong ito subalit dapat munang matukoy na mahalaga ang kanyang mga salaysay.

Sa ngayon, may duda pa rin si Gatchalian na magsasabi ng totoo si Shiela lalo na kung madiriin si Alice dahil iisa lamang ang kanilang abogado at posibleng ang nasibak na alkalde pa ang nagbabayad.

Subalit pinaalalahanan ng senador si Shiela na hindi lamang din simpleng kaso ang kanyang maaaring kaharapin kahit sinasabi niyang wala inosente siya sa mga nilagdaang dokumento.

Iginiit ni Gatchalian na batay sa mga dokumentong lumalabas ngayon, mabigat ang naging partisipasyon at responsibilidad ni Shiela sa mga kumpanya ng Guo na posibleng ginamit sa money laundering upang maipatayo ang mga POGO hub. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author