Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anim na Filipino Paralympians na kasalukuyang sumasabak sa 2024 Paris Paralympics, na lumaban taglay ang lakas at puso ng pagiging Pilipino.
Sa kanyang mensahe sa social media, inihayag ng Pangulo na ngayon pa lamang ay maituturing nang mga kampyon ang Pinoy Paralympians na sina Allain Ganapin, Angel Mae Otom, Ernie Gawilan, Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, at Agustina Bantiloc.
Ang kanila umanong dedikasyon sa pagsasanay sa kabila ng mga hamon ay nagpapakita ng diwa ng Pilipino.
Sinabi ni Marcos na walang parangal at papuring makakatumbas sa karangalang ibinibigay ng Paralympic Athletes sa bansa.
Kaugnay dito, hinikayat silang ipakita sa mundo ang lakas ng Pilipino, kasabay ng paalala na nasa likod nila ang buong sambayanan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News