Nangangamba si Senate Minority Leader Koko Pimentel na posibleng lumala pa ang pagkakadelay ng pag-iisyu ng mga National ID kasunod ng pagterminate ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng kontrata sa supplier ng cards.
Sinabi ni Pimentel na ngayon pa lamang ay maraming Pilipino ang nagrereklamo sa hindi pa rin natatanggap na mga National ID cards kahit ilang buwan o taon nang nag-apply.
Una nang inanunsyo ng BSP ang termination bunsod umano ng mga hindi nasunod na probisyon sa kontrata.
Kabilang din sa dahilan ay ang pagtaas na sa 7% ng wastage o nasasayang ng supplier na mataas sa pinapayagang limit na 1%.
Iginiit naman ni Pimentel na kailangang magkaroon ng imbestigasyon dito ang Senado upang matukoy ang tunay na dahilan at mga hakbanging ipatutupad upang mabawasan ang perwisyo sa publiko.
Kinumpirma ang senador na inihahanda na nila ang resolution na nananawagan ng pagsasagawa ng Senado ng pagsisiyasat sa desisyon ng BSP.
Sa panig naman ni dating Sen. Panfilo Lacson, iginiit na hindi sapat ang termination bagkus kailangan ng tamang legal procedures at pagpapanagot upang mabayaran ang pinsalang dulot nito.
Hindi na anya katanggap-tanggap ang kabiguang maipatupad ang Philippine Identification System Act, anim na taon matapos itong maging ganap na batas. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News