Inaasahang papasok na rin sa Pilipinas anumang oras ang mas mabagsik na Clade 1b ng Monkeypox.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni Dep’t of Health Spokesman Assistant Sec. Albert Domingo na batay sa datos sa Africa, 10 sa bawat 100 tinatamaan ng Clade 1b ang namamatay.
Gayunman, ipinaliwanag ni Domingo na karamihan sa mga nasawi sa mpox Clade 1b ay mga immunocompromised o mahihina ang resistensya.
Sinabi rin nito na ang mild o mas mahinang Clade 2 ang tumama sa limang bagong mpox patients sa bansa, at wala ni isang namatay sa lahat ng naitalang 14 na kaso simula noong 2022.
Nakikita ring magiging handa na ang Pilipinas sa pagdating ng mabagsik na Clade 1b dahil sa mga kasalukuyang hakbang na ginagawa laban sa Clade 2, kasabay ng pagtitiyak na may gamot naman sa mga sintomas ng mpox at kusa itong gumagaling matapos ang isang buwan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News