Iniakyat na ng Department of Foreign Affairs sa International Criminal Police Organization (Interpol) ang usapin sa pasaporte kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito ang kinumpirma ni Sen. Risa Hontiveros na nagsabing bukod sa sinibak na alkalde ay alertado na rin ang Interpol sa sitwasyon nina Shiela Leal Guo, Wesley Guo at Catherine Cassandra Ong.
Sinabi ni Hontiveros na ang aksyon ng DFA ay para sa kaukulang aksyon ng Interpolna posibleng kasama ang pagpapalabas ng red o blue notice na nangangahulugang lahat ng law enforcement sa buong mundo ay maaari nang kumilos para tugisin sina Guo.
Samantala, itinakda na si Hontiveros ang pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice sa August 27 para sa isyu ng pagtakas ni Guo at kung sinu-sino anng posibleng kasabwat nito.
Kabilang sa mga nais ipatawag ng Senado ang mga opisyal ng Bureau of Immigration, Civil Aviation Authority of the Philippines, Airport Police at National Bureau of Investigation.
Nanindigan din si Hontiveros na dapat aniyang may managot sa kapalpakan o posibleng pakikipagsabwatan kay Guo.
Dismayado rin ang senador na hanggang ngayon ay talamak ang katiwalian sa Immigration tulad ng nangyaring Pastillas Scam, Human Trafficking at iba pang krimen.