dzme1530.ph

2nd round ng dagdag-singil sa toll sa SLEX, epektibo na

Mas mataas na singil ang sumalubong sa mga motorista na gumagamit ng south Luzon Expressway (SLEX) matapos payagan ng Toll Regulatory Board (TRB) na kolektahin ng concessionaire ang second tranche ng rate hikes.

Sa statement, sinabi ng TRB na inaprubahan nila ang unang periodic toll rate adjustments sa SLEX simula 2011, saklaw ang 2012 at 2014 petitions, sa pamamagitan ng consolidated resolutions na may petsang May 17, 2023.

Ipinag-utos ng toll road regulator na ipatupad ang rate adjustments sa pamamagitan ng dalawang tranches sa taong 2023 at 2024, upang hindi maging mabigat ang epekto nito sa motoring public.

Simula noong Lunes, ang mga motoristang bumi-biyahe mula Alabang hanggang Laguna ay magdaragdag ng ₱10.00 para sa class 1 vehicles; ₱20.00 para sa class 2; at ₱30.00 para sa class 3.

Samantala, ang mga bumi-biyahe naman mula Calamba hanggang Sto. Tomas, Batangas ay magdaragdag ng ₱2.00 para sa class 1, ₱6.00 para sa class 2, at ₱8.00 para sa class 3 vehicles. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author