Hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang economic team na maging makatotohanan sa kanilang mga pigura kaugnay sa poverty threshold.
Ito ay kasunod ng inilabas na pigura ng National Economic and Development Authority na ₱91.22 poverty threshold at ₱64 na food poor threshold.
Sinabi ni Gatchallian na para sa kanya ay unrealistic ang datos dahil ginagamit ay ang mga pinakamababang presyo ng produkto.
Kadalasan naman aniya hindi nasusunod ang pinakamababang presyo at hindi rin naman araw-araw parehong pagkain ang kinakain ng mamamayan.
Katunayan kapag pumunta anya ang mamimili sa palengke o grocery, madalas na hindi naman sinusunod ang mga suggested retail price at may sarili pa ring presyo ang mga tindera.
Iginiit ni Gatchalian na upang maging epektibo ang mga programa ng bansa na maiangat ang mahihirap, dapat makatotohanan din ang mga batayan na gagamitin. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News