Kinontra ni Sen. Joel Villanueva ang panukala na buhayin ang online cockfighting, o e-sabong upang mabawi ang mga nawalang kita sa pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Iginiit ni Villanueva na bagama’t kailangan ng bansa ng kita, hindi aniya sapat na dahilan ito upang isakripisyo ang kaligtasan ng mamamayan.
Una nang inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 1281 na naglalayong ipagbawal anng lahat ng uri ng online gambling sa bansa.
Kahit saang parte aniya tignan, palaging natatabunan ng masamang epekto sa ating bansa ang kitang nakukuha sa sugal.
Kahit noong kalakasan ng POGO, sinabi ni Villanueva na hindi naman napatunayan na solusyon ito para mapataas ang kita ng gobyerno dahil maliit lang ang nakolekta sa industriya.
Bigo rin anya ang BIR at ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na makolekta ang 20% tax sa mga nanalo sa online sabong operators dahil nagsimula ang virtual cockfighting noong 2020.
Inamin naman ng PAGCOR sa pagdinig sa Senado na nagpapatuloy ang e-sabong kahit ban na ito at katunayan nasa 789 e-sabong ang nag-ooperate
Hindi aniya dapat magbulag-bulagan ang gobyerno sa paghihirap ng mga tao at pamilyang nalululong sa sugal at sa halip ay tutukan ang kapakanan ng publiko. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News