Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mataas na credit ratings ng Pilipinas mula sa Rating and Investment Information Inc. ng Japan, na umangat sa (A-) mula sa dating (BBB+).
Ayon sa Pangulo, ito ay maghahatid ng mas maraming investments at negosyo sa bansa, na kalaunan ay lilikha ng maraming dekalidad na trabaho at mas mataas na kita para sa mga Pilipino.
Ito rin umano ang nagpapatunay ng mataas na kumpiyansa ng mga investor sa sigla ng ekonomiya ng bansa.
Makatutulong din itong mapababa ang borrowing costs o mga gastusin sa loans, at magbibigay-daan sa mas abot-kayang financing para sa pamahalaan, mga negosyo, at sa mga ordinaryong consumer.
Sinabi ni Marcos na sa halip na gumastos sa interes, magagamit ang matitipid na pondo sa mga pampublikong serbisyo gaya ng imprastraktura, kalusugan, at pagpapatayo ng mga silid-aralan, at ang mas malaking ibubuhos na pondo sa publiko ay magbibigay-daan umano sa pag-usbong ng mas maraming Carlos Yulo sa hinaharap.
Kaugnay dito, tiniyak ng chief executive na ang credit rating upgrade ay magsisilbi ring upgrade sa buhay ng bawat Pilipino. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News