Ikinatuwa ni Senate Committee on Public Works Chairperson Ramon Revilla, Jr. ang naging polisiya ng Department of Public Works and Highways sa paggamit ng plastic waste upang patagalin ang lifespan ng aspalto na ginagamit sa mga kalsada sa buong bansa.
Alinsunod sa Department Order no. 139, s. 2024, inaprubahan ng DPWH ang paggamit ng low-density polyethylene plastic bag waste bilang sangkap sa hot mix asphalt.
Sinabi ni Revilla na ang aksyon na ito ay malaking tulong upang mas maging sustainable ang mga proyekto ng DPWH gayundin sa waste management.
Ipinaalala ng senador na sa nakalipas na pagdinig hinggil sa pagbaha matapos ang pananalasa ng bagyong Carina at ng Habagat, lumabas na rason ng mabilis na pagbaha ay ang dami ng basura na nakabara sa daluyan ng mga tubig, partikular ang mga plastic.
Kaya malaking tulong anya ang bagong polisiya ng DPWH para mabawasan ang problema sa basura.
Ikinatuwa ni Revilla na nakinig ang DPWH sa kanyang mungkahi na gawing sustainable ang mga plano patungkol sa pagresolba sa baha.