dzme1530.ph

Safe Spaces Act, dapat nang amyendahan

Muling umarangkada ang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media kaugnay sa mga polisiya ng television networks at artist management agencies sa mga reklamo ng pang—aabuso at harassment.

Pero hindi muna dumalo sa pagdinig si Nino Muhlach at maging ang GMA Contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz.

Ayon sa chairman ng committee na si Sen. Robin Padilla, kapwa humingi ng panahon ang dalawang panig upang mag-usap kaya’t nag-imbita na lamang ng mga legal expert para pag-usapan ang ilang mga batas na may kinalaman sa sexual harassment.

Inamin naman ng ilang legal experts na panahon nang amyendahan ang ilang batas na may kinalaman sa sexual harassment.

Sa pagdinig, inirekomenda ni Senador Francis Tolentino na isa sa dapat palakasin ay ang Safe Spaces Act.

Nais ni Tolentino na magkaroon ng probisyon sa batas para sa aplikasyon ng Torts Act o ang prinsipyo ng accountability ng isang employer sa sandaling may nangyaring pang-aabuso sa kanilang kumpanya.

Kinatigan ito ni Atty Lorna Kapunan kung saan ipinaliwanag na sa probisyong ito, kailangang patunayan ng isang kumpanya na hindi siya nagpabaya sa pangangalaga sa mga empleyado.

Iginiit din ni Kapunan ang istriktong pagsunod ng mga kumpanya sa probisyon ng Safe Spaces Act sa pagkakaroon ng Committee on Decorum and Investigation (CODI) na mangangasiwa sa mga reklamo ng pang-aabuso.

Pero para kay Tolentino, kung matindi naman ang pang-aabusong nangyari dapat magkaroon ng probisyon na hindi na daraan sa CODI at direkta nang ihahain ang kaso sa korte.

About The Author