“Malayo sa katotohanan.”
Ito ang iginiit nina Sen. Imee Marcos at Senate Minority Leader Koko Pimentel kaugnay sa batayan ng National Economic and Development Authority para sa poverty level na ₱91.22 na budget ng isang tao.
Kasama rito ang pagkain, gastusin sa bahay, utilities, transportasyon, komunikasyon, edukasyon, kalusugan at pananamit.
Pinayuhan pa ni Marcos ang economic team na magpunta sa palengke upang personal nilang makita kung saan aabot ang ₱91.22 na budget.
Sinabi ng senadora na maging ang World Bank ay nagpahayag na hindi makatotohanan ang naturang halaga.
Hiniling naman ni Pimentel sa NEDA na magsumite ng written explanation kaugnay sa ginagamit nilang proseso sa pagdetermina sa poverty threshold.
Iginiit ni Pimentel na kung ganito ang batayan sa poverty threshold ay mananatili ang lahat sa slave labor wages o labis na mababang sahod.