dzme1530.ph

Pagpapatalsik kay Alice Guo bilang alkalde, nararapat lang

Ikinatuwa ng dalawang senador ang guilty verdict at tuluyang pagsibak ng Ombudsman kay Alice Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac.

Ayon kay Senate Committee on Women Chairperson Risa Hontiveros, tama lang ang desisyong ito ng Ombudsman.

Iginiit ni Hontiveros na hindi nararapat na maging alkalde sa anumang bayan sa Pilipinas ang aniya’y isang Chinese national tulad ni Guo Hua Ping.

Kasabay nito, pinatitiyak din ni Hontiveros na mananagot sa paglabag sa ating mga batas ang pinatalsik na alkalde at tiwala naman siyang doble ang pagsusumikap ng ating law enforcers na mahuli na si Guo.

Iginiit naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na maaaring nagtatago ngayon si Guo pero hindi naman nito matatakasan ang kamay ng batas.

Idinagdag din ni Gatchalian na ang desisyong ito ng Ombudsman ay patunay na si Guo talaga ang utak at ang gumagalaw para maitayo ang POGO sa Bamban na sangkot sa mga iligal na aktibidad gaya ng human trafficking, torture at money laundering.

About The Author