Kuwestiyunable para kina Sen. Grace Poe at Sen. Cynthia Villar ang pagtataas ng alokasyon sa Personal Expenses at Maintenance and Other Operating Expenses sa ilalim ng panukalang 2025 national budget.
Ayon kay Poe, red flag nilang maituturing na umabot sa 65.8% ng National Expenditure Program ang mapupunta sa Personal Expenses at MOOE.
Iginiit naman ni Villar na lagpas ang alokasyon na ito sa traditional na limit na 55% para sa dalawang item sa ilalim ng NEP.
Binigyang-diin ng dalawang senador na dahil sa malaking alokasyon na ito para sa PS at MOOE, halos 1/3 na lamang ng kabuuang pondo ang napupunta sa capital expenditures at iba pang proyekto na direktang nakakaapekto sa taumbayan.
Hinimok ng dalawang senador ang Department of Budget and Management na pag-aralan ag alokasyon sa PS at MOOE upang matiyak na walang batas ang malalabag.
Ipinaliwanag naman ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na kasama sa MOOE ang ilang Social Assistance o mga ayuda na ipipnamimigay sa mahihirap na pamilya.
Nangako naman si Pangandaman na pag-aaralan muli ang alokasyon at ihihiwalay na ang pondo para sa social assistance.