dzme1530.ph

DOH, may naiulat nang 4 pagkasawi bunga ng leptospirosis kasunod ng bagyong Carina at Habagat

May apat nang napaulat na nasawi sa bansa dahil sa leptospirosis, kasunod ng matinding pagbahang idinulot ng Bagyong Carina at Habagat.

Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, mataas ang mortality rate o tiyansa ng pagkamatay sa leptospirosis lalo na kung huli na itong mada-diagnose at mahirap na itong agapan.

Patuloy din umano ang pagtaas ng kaso nito partikular sa mga lugar na may naitala nang epidemic threshold tulad ng Quezon City, Maynila, at mga lugar sa Central Luzon at CALABARZON.

Dumarami na rin ang mga pasyenteng may leptospirosis sa National Kidney and Transplant Institute, at pansamantala na munang ginawang leptospirosis ward ang kanilang basketball court.

Kaugnay dito, pinayuhan ni Herbosa ang mga lumusong sa baha na magpatingin na sa doktor, lalo na ang mga may sugat at ang mga nakakaramdam na ng sintomas tulad ng lagnat at paninilaw.

About The Author