Irerekomenda ni Health Secretary Ted Herbosa sa local chief executives na ipagbawal sa kanilang nasasakupan, partikular sa mga bata, ang paglangoy sa baha dahil sa banta ng leptospirosis.
Ginawa ni Herbosa ang pahayag sa gitna ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis, ilang linggo matapos ang matinding pagbaha sa ilang lugar bunsod ng malakas na ulan na dala ng bagyong Carina at pinaigting na Habagat.
Ito ang nagtulak sa Department of Health (DOH) na ipag-utos ang pagbuhay sa Surge Capacity Plan sa mga ospital na nasa sa ilalim ng pangangasiwa nito sa National Capital Region.
Idinagdag ng Kalihim na kakausapin niya ang MMDA upang matiyak na mapipigilan ang mga batang naliligo sa baha o mga taong nakatambay lang at nakababad sa maruming tubig.