Kabuuang ₱38.9 million na halaga ng mga pekeng produkto ang nakumpiska sa magkahiwalay na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pampanga at sa Binondo, Maynila.
Ipinatupad ng NBI-National Capital Region (NCR) ang 11 search warrants laban sa iba’t ibang establisyimento sa Angeles City at dalawa sa San Fernando City, sa Pampanga.
Nagresulta ito sa pagkakasamsam sa mga pekeng Oakley at Rayban eyewear at bags na tinatayang nagkakahalaga ng ₱15.9 million.
Samantala, anim na search warrants naman ang isinilbi ng NBI-NCR laban sa iba’t ibang tindahan sa 168 shopping mall sa Binondo, kung saan nakumpiska ang ₱22.9 million na halaga ng mga pekeng produkto ng nabanggit na brands.
Ayon sa NBI, ikinakasa na ang reklamong paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines laban sa mga may-ari ng establisyimento at tindahan.