Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buo na ang pinaka-malaking political bloc sa bansa, kasunod ng pagsasanib-pwersa ng kanyang Partido Federal ng Pilipinas, at Nacionalista Party ni Former Senate President Manny Villar.
Sa kanyang talumpati sa Alliance Signing Ceremony sa BGC Taguig ngayong Huwebes, inihayag ng Pangulo na sa pamamagitan ng alyansa ay pinagkakasunduan ang mga kailangang gawin para pagandahin ang Pilipinas at buhay ng bawat Pilipino.
Ito rin ang magtitiyak na ang mga mahahalal sa 2025 elections ay ang mga lider na magsasantabi ng partisan politics at personal differences.
Bagamat ito ay bahagi ng paghahanda sa 2025 midterm elections, iginiit ni Marcos na dapat ding magtulungan hindi lamang para sa kapakanan ng partido at mga sarili kundi para sa serbisyo publiko.
Patuloy din umanong isinisigaw ang Unity o pagkakaisa dahil kung igugugol ang oras at enerhiya sa pagtatalo o sa pulitika, kakaunting oras ang magagamit para sa pagsasaayos ng bansa at pag-aangat sa buhay ng mamamayan.
Mababatid na una nang nakipag-alyansa ang PFP sa Lakas-CMD, Nationalist People’s Coalition, at National Unity Party.