dzme1530.ph

Kontribusyon ng mga miyembro sa PhilHealth, dapat ibaba sa 3%

Kung lumalangoy sa pondo ang PhilHealth, iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na dapat ibaba sa 3% ang mandatory premium o contribution ng kanilang mga miyembro.

Binigyang-diin ni Pimentel na kakayanin naman ng PhilHealth ang mas mababang members’ contribution lalo na’t ₱89.9-B ang sinasabing excess fund para ilipat sa national government na gagamitin sa mga infrastructure projects.

Ginawa ni Pimentel ang pahayag kaugnay sa pagtalakay sa panukalang pag-amyenda Universal Healthcare Law na naglalaman din ng pagbabalik ng member contribution sa 4% mula sa 5% na inumpisahan ngayong taon.

Una nang inilahad ng PhilHealth na may surplus fund ang ahensya na umaabot sa ₱183.1-B at dito huhugutin ang ₱89.9-B na pinalilipat sa national government.

Inihayag din ng PhilHealth na hanggang 4% lamang ang kaya nilang member contribution rate dahil kailangan nila ng pondo ngayong agresibo sila sa improvement ng mga benefit package.

Iginiit naman ni Pimentel na dapat pag-aralan na rin ang actuary at statisticians’ ng PhilHealth.

Binigyang-diin pa ng senador na hanggang ngayon ay nasa papel lamang ang sinasabing no balance billing at maging ang mga ibinibida ng PhilHelath na improvement sa benefit package bukod pa sa madalas na reklamo na hindi available sa ospital ng gobyerno ang mga gamot na inirereseta ng mga doktor.

About The Author