dzme1530.ph

Bicam report sa pagpapalakas ng Anti-Agricultural Smuggling Act, inaprubahan sa Senado

Niratipikahan ng Senado ang panukalang Anti-Agricultural Smuggling na nagpapalakas ng mga hakbangin laban sa mga sangkot aa pagpupuslit sa bansa ng mga bigas, isda, karne at ilan pang uri ng gulay.

Ito ay ikalawa nang bicam conference committee report na niratipikahan ng Senado kaugnay sa isyu makaraang una nang bawiin ang unang report dahil may mga nais pang baguhin ang mga mambabatas.

Sinabi ni Sen. Cynthia Villar na kasama sa panukala ang probisyon na magiging kasapi ng itatatag na Anti-Agriculture Economic Enforcement Group ang Department of Finance.

Ito ay upang masawata ang sabwatan ng mga kawani ng Bureau of Customs at mga smuggler.

Umaasa ang senador na agad nang lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala upang ganap nang maging batas.

Sa ilalim ng panukala, ituturing na kasong economic sabotage na walang katapat na piyansa ang smuggling o pagpupuslit ng agricultural at fishery products kasama rin ang hoarding o pagtatago ng suplay ng mga produkto at profiteering o sobra sobrang pagpapatubo.

About The Author