dzme1530.ph

MIAA, pinagtatayo ng VIP processing center sa NAIA

Hinimok ni Sen. Raffy Tulfo ang Manila International Airport Authority (MIAA) na maglagay ng processing center para sa mga VIP na dumaraan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sa naturang processing center aniya kakapkapan at susuriin ang bagahe ng mga VIP na sumasakay sa mga private o chartered flight.

Ito ay kasunod ng natanggap na impormasyon ng senador na hindi dumadaan sa normal na proseso at inspeksyon ang mga VIP at dumidiretso sa mga eroplano kapag ibinaba na sa paliparan ng kanilang SUV o kaya ay limousine.

Binigyan ni Tulfo hanggang ngayong taon ang MIAA upang itayo ang VIP Processing Center.

Sinabi ni MIAA General Manager Eric Ines na karamihan sa mga sinasabing VIP ay mga taga-gobyerno subalit tumanggi na siyang magbanggit ng pangalan.

Sinabi ni Ines na nagdeploy na rin sila ng security personnel mula sa Airport Police Department at Philippine National Police upang sumuri sa mga bagahe ng mga VIP.

Pinasusumite naman ni Tulfo kay Ines ang pangalan ng mga sinasabi nitong VIP kasabay ng tanong kung bakit espesyal ang mga ito sa airport gayung ang mga bumoto sa kanilang ordinaryong tao ay dumaraan sa butas ng karayom kapag nasa paliparan.

About The Author