Kumpiyansa sina Senate President Francis Escudero at Sen. Juan Miguel Zubiri na hindi magiging ugat ng panibagong galit ng China ang $500 million na military aid ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Umaasa si Escudero na hindi mag-uudyok ng panibagong harassment ng China ang military aid at magdulot ng panibagong tensyon sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ng senate leader na tulad sa China at sa ibang bansa ay karapatan at obligasyon din nating palakasin ang sariling militar para sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Sinabi naman ni Zubiri na malaking tulong ang military aid para sa pagpapalakas pa ng ating defense posture para na rin sa ating paninindigan sa ating teritoryo
Ipinagmalaki pa na sa kanyang nakaraang liderato sa Senado, naglaan sila ng ₱6-B para sa AFP at ₱2.8-B para sa Philippine Coast Guard na layung suportahan ang kanilang modernisasyon sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.
Samantala, sa panig ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, iginiit na wala namang pakinabang sa mga magsasaka at mangingisda ang military aid ng Estados Unidos sa bansa.
Palagi na lamang anyang para sa military hardware ang ibinibigay na tulong ng US pero kadalasan sa halip na bago ay “surplus” o hindi kaya ay luma na ang ipinagkakaloob na mga kagamitan.