Naghain na ng resolusyon si Senate Senior Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito upang imbestigahan ng Senate Committee on Health and Demography ang transfer ng hindi nagagamit na pondo ng PhilHealth sa unprogrammed fund.
Sinabi ni Ejercito na hindi katanggap-tanggap sa PhilHealth, na frontline agency sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Act, na magkaroon ng halos P90 billion na hindi nagagamit na pondo.
Iginiit ng senador na dapat nagamit ang pondo para tulungan ang mahihirap na kababayan na dumaranas ng hirap sa kanilang kalusugan.
Sa kanyang Senate Resolution 1087, sinabi ni Ejercito na dapat tignan ang absorptive capacity ng PhilHealth sa pamamahala ng pondo para sa epektibong mga programa sa kalusugan.
Dapat anyang matutukan ng PhilHealth, na maibaba ang monthly contributions, subalit maisasaayos ang health packages at itataas ang health benefits sa lahat ng Pilipino.
Sa datos mula sa Bureau of Treasury, umabot ang unutilized government subsidies sa PhilHealth sa ₱27.1-B noong 2021, ₱24-B noong 2022, at ₱38.8-B noong 2023 o kabuuang ₱89.9-B.