Pinatitiyak ng mga senador sa Bureau of Immigration (BI) at iba pang ahensya ng gobyerno na mapapalayas sa bansa ang mga dayuhang nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) Hubs lalo na sa mga iligal na operasyon.
Ito ay kasunod ng pahayag ng BI na binigyan na nila ng 60 araw na palugit ang mga dayuhang nagtatrabaho sa mga POGO Hubs at Internet Gaming Licensees (IGLs) upang umalis na sa bansa.
Sinabi ni Senador Risa Hontiveros na sa tingin nila ay mas marami ang mga iligal na POGO kaya mas malaking hamon para sa mga ahensya ng gobyerno na mapaalis sila sa bansa.
Pero dapat aniyang tiyakin ang ang makataong pagtrato sa mga foreign workers lalo na ang mga biktima ng human trafficking ng legal or illegal POGOs/IGLs.
Sa panig naman ni Senador Joel Villanueva, sinabing mas makabubuti kung mas maagang mapaalis sa bansa ang mga POGO workers.
Ayon Villanueva, mahalaga magkaroon ng koordinasyon ang BI at PAGCOR para ma-account lahat ng foreign POGO workers na kailangan nang lumisan sa bansa.
Batay sa datos mula sa PAGCOR, nasa 33,000 ang foreign POGO workers hanggang noong March 2024 na mas mataas sa record ng BI na 20,000 foreign POGO workers
Pinasalamatan ni Villanueva ang BI sa mabilis na aksyon sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr na tuluyan nang ipagbawal ang mga POGO sa bansa
Samantala, pinuri ni Senator Koko Pimentel ang BI sa ibinigay na dalawang buwan sa mga dayuhang POGO workers para umalis ng bansa.