dzme1530.ph

Imbestigasyon sa flood control projects, itatakda na ng Senado

Magkakasa ang Senado ng imbestigasyon kaugnay sa mga flood control projects ng gobyerno kasunod ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at ilang karatig lalawigan sa gitna ng pananalasa ng bagyong Carina.

Ayon kay Senate President Francis Escudero, pangungunahan ni Senate Committee on Public Works Chairman Ramon Revilla Jr. ang pagdinig na naglalayong i-asses ang estado ng flood control systems at makagawa ng solusyon para matiyak na magiging epektibo ang mga ito lalo na kapag may bagyo o malakas na buhos ng ulan.

Ipinaalala ni Escudero na nasa ₱255-B ang alokasyon para sa flood control projects ng DPWH sa ilalim ng 2024 national budget pero tila hindi ramdam ang mga proyektong ito.

Kinatigan naman ni Sen. Risa Hontiveros ang pagsasagawa ng imbestigasyon dahil panahon na aniyang tugunan ang palala nang palalang pagbaha sa tuwing umuulan.

Hinimok din ng senadora ang gobyerno na mas paigtingin at pabilisin pa ang pagtugon sa sakunang dala ni Carina at ng Habagat sa ating mga kababayan.

Iginiit ni Hontiveros na dapat maging time-sensitive ang gobyerno at hindi dapat parang hilong talilong sa pagmomobilisa ng tulong sa nangangailangan at pagtugon sa mga panawagan ng ating mga kababayan.

About The Author