Ipinare-resolba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang problema sa nasirang floodgate sa Navotas City, na nagdulot ng matinding pagbaha sa harap ng pag-ulan bunsod ng bagyong Carina at Habagat.
Sa situation briefing sa PSC Headquarters ngayong Huwebes, inihayag ng Pangulo na kailangan ng emergency measure o agaran at pansamantalang solusyon upang maharang ang tubig sa nasirang Tangos-Tanza Navigational Gate.
Sinabi ni Marcos na maaari itong lagyan ng sandbags o kumuha ng engineer na mag-aayos nito.
Ibinahagi naman ni MMDA Chairman Romando Artes na sa pakikipag-ugnayan sa Dep’t of Public Works and Highways ay may naka-schedule nang pagku-kumpuni sa floodgate sa loob ng isang buwan, ngunit mahirap itong isagawa kung nakabukas ang gate at nagpapatuloy ang pasok ng tubig.
Samantala, pagkatapos ng Situation briefing ay binisita rin ni Marcos ang nasabing floodgate.
Una nang sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na napigilan sana ang pagbaha sa Navotas at mga katabing siyudad kung naisaayos ang floodgate na nasira matapos mabangga ng isang bangka noong Hunyo.