May sapat pa ring pondo ang PhilHealth para sa benepisyo ng kanilang mga miyembro at walang epekto dito ang pagsasauli nila ng ₱89-B sa National Treasury.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian kasabay ng pahayag na batay sa mga nakalap niyang impormasyon, umaabot sa ₱500-B ang reserbang pondo na nakatago sa kaban ng PhilHealth.
Sinabi ni Gatchalian na ang nailipat na ₱89-B ay maliit lang na bahagi doon sa kanilang reserve fund na kahit ilang taon ay hindi na mauubos para gastusin.
Idinagdag ni Gatchalian na pinag-aaralan niya kung paano mabibigyan ng “flexibility” ang Department of Finance, sa pamumuno ni Sec. Ralph Recto upang ma-manage ang pananalapi ng pambansang pamahalaan lalo ng ang mga pondong hindi naman nagamit ng mga ahensiya sa kabila ng kanilang request at budget allocation.
Sinabi ni Gatchalian na maaari pang magamit sa pagtatayo ng classroom, pagpapagawa ng bagong kalsada o sa ibang programa ang mga hindi nagamit ng pondo sa halip na natutulog lamang ito at hindi napapakinabangan ng nakararami.