Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kabataang Pilipino na gawing inspirasyon at halimbawa sa pagpupunyagi, ang buhay ng bayaning si Apolinario Mabini.
Sa kanyang talumpati sa komemorasyon ng ika-160 kaarawan ni Mabini sa Mabini Shrine sa Tanauan City, Batangas ngayong araw, inihayag ng Pangulo na pinunan ni Mabini ng tiyaga, determinasyon, at katalinuhan ang paglaking sadlak sa kahirapan at salat sa materyal na yaman.
Kinilala rin ni Marcos ang pag-aaral ni Mabini ng abogasya upang maipagtanggol ang mahihirap sa pagmamalupit ng mga kastila, at ang pagiging kasapi ng La Liga Filipina at rebolusyonaryong pwersa ng Katipunan, kaakibat ng buong-tapang na pagtataguyod ng mga reporma sa panahon ng kolonyalismo.
Bagamat kalaunan ay tinamaan ng polio na nag-resulta sa kanyang pagka-lumpo, sinabi ni Marcos na hindi ito naging alintana at sa halip ay ito pang nagbigay-lakas kay mabini na gamitin ang talas ng isip bilang sandata laban sa kawalang-katarungan, pang-aabuso, at pang-aapi.
Kaugnay dito, tiniyak ng Pangulo na ang ipinamanang lakas ng loob ng tinaguriang “Dakilang Paralitiko” at “Utak ng Himagsikan”, ay nabubuhay sa puso ng mga Batangueño at ng maraming Pilipino na patuloy na nag-aalay ng husay at talento para sa pag-unlad ng Pilipinas.