Nasa 800 pamilya ang naapektuhan ng sunog na sumiklab sa residential area sa Dalahican, sa Cavite City.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa pasado 3:00 ng hapon, kahapon, sa Barangay 5 at 7 sa Badjao Street.
Isang helicopter ng Philippine Air Force ang pinalipad upang tumulong sa mga bumbero sa pag-apula ng apoy.
Sinabi ni Barangay 7 Chairman Ruel Solis, na ang mga natupok na kabahayan ay nakatirik sa ibabaw ng dagat at halos lahat ay nasunog.
Sa pagtaya ni Solis, nasa 4,000 indibidwal ang naapektuhan ng insidente.
Dinala naman ang mga apektadong residente sa evacuation centers sa Dalahican Elementary School at Sta. Cruz Elementary School.