Inilabas na ng Senado ang warrant of arrest laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at pitong iba pa kaugnay makaraang isnabin ang huling pagdinig na may kinalaman sa POGO operations.
Bukod sa suspendidong alkalde, inisyuhan din ng arrest warrant sina Dennis Cunanan, Jian Zhong Guo, Li Wen Yi, Seimen Guo, Shiela Guo, Wesley Guo at Nancy Gamo.
Ang arrest warrant ay pirmado nina Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chairperson Risa Hontiveros at Senate President Francis Chiz Escudero.
Bukod sa warrant of arrest, nagpalabas na rin ng subpoena ang Senado para naman sa iba pang resource persons na una nang inimbitahan ng kumite subalit bigo ring dumalo sa pagdinig.
Kasabay nito, tiniyak ng Office of the Senate Sergeant At Arms na handa na silang isilbi ang mga kautusan.
Sinabi ni Sgt At Arms Roberto Ancan na mayroon silang sapat na kakayanan at manpower upang ipatupad ang mga subpoena at arrest order.