Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tinututukan at tinutugunan ng gobyerno ang problema sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), at iligal na droga sa Pampanga.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng presidential assistance sa San Fernando City, inihayag ng Pangulo na batid niya ang labis na pagkabahala ng mga kapampangan sa mga kriminalidad at ilegal na gawaing sumisira sa kapayapaan ng kanilang komunidad.
Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na bumuo na ang Dep’t of the Interior and Local Gov’t ng Task Force na tututok sa mga iligal na aktibidad kaugnay ng mga POGO.
Mababatid na kamakailan ay sinalakay ang isang hinihinalang illegal POGO hub sa Porac Pampanga kung saan na-rekober ang videos ng pag-torture sa ilang indibidwal at gayundin ang ilang Chinese military uniforms.
Samantala, patuloy ding nagtutulungan ang Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency, at iba pang ahensya upang masawata ang pagpupuslit ng iligal na droga hindi lamang sa Pampanga kundi sa buong bansa.