dzme1530.ph

Bilyon-bilyong pisong halaga ng pera, pumasok sa bank accounts ni Mayor Guo nang mga panahong itinatayo ang POGO hub sa Tarlac

Ibinunyag ni Sen. Sherwin Gatchalian na bilyun-bilyong pisong halaga ng pera ang pumasok at lumabas sa bank accounts ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo partikular noong mga taong 2019 hanggang 2022 o noong itinatayo ang POGO hub sa kanyang lugar.

Ito ay batay sa report ng Anti-Money Laundering Council kaugnay sa mga bank accounts ng alkalde na saklaw ng freeze order na inilabas ng Court of Appeals.

Tiniyak ni Gatchalian na sa susunod na pagdinig kaugnay sa POGO operations, kanilang ipade-detalye ang nilalaman ng mga bank transactions ni Guo.

Lumitaw din sa report na nagmula ang pondo sa iba’t ibang bansa subalit ang bulto ay nanggaling sa China.

Naniniwala din ang senador na malaki ang posibilidad ng kaso ng money laundering sa operasyon dahil hindi maipaliwanag ng alkalde ang kanyang 36 bank accounts, 12 land holdings, 12 motor vehicles at isang helicopter.

Kinontra din ni Gatchalian ang pahayag ng kampo ng alkalde na panghihimasok na paglabag na sa kanyang privacy ang pagdedetalye ng inilabas na freeze order.

Binigyang-diin ni Gatchalian na wala silang nilalabag na anumang batas dahil ang petisyon ay inihain na sa CA na agad namang inaksyunan kaya’t bahagi na ito ng public records kaya’t kahit sino ay maaari nang makakuha ng kopya nito.

About The Author