Kinumpirma ni Sen. Win Gatchalian na isinailalim na sa freeze order ang bank accounts at mga assets ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pang sangkot sa illegal POGO operations.
Sa ulat na ipinadala ng Anti-Money Laundering Council kay Gatchalian, inihayag na nakakuha na sila ng freeze order sa Court of Appeals na sumasaklaw sa bank accounts at assets ni Guo gayundin sa anim pang sinasabing kasabwat nito kasama na ang anim na kumpanyang isinasangkot sa POGO.
Ipinaliwanag ng AMLC na lumabas ang mga financial transactions at assets na posibleng mula sa money laundering gayundin sa human trafficking at ilang pang illicit operations.
Sinaklaw ng freeze order ang kabuuang 90 bank accounts sa 14 na financial institutions, real properties at high value assets kasama na ang luxury vehicles at isang helicopter.
Nakasaad sa ulat na 36 sa 90 bank accounts ang nakapangalan kay Guo gayundin ang 12 real properties at ang helicopter.
Mayroon namang 36 na bank accounts ang anim na kumpanya na pag-aari rin ng alkalde.
Sinabi ng AMLC na ang freeze order ay batay sa kanilang petisyong isinampa noong July 8 base sa resulta ng joint operations ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group.