dzme1530.ph

Gastos sa bagong gusali ng Senado, posibleng umabot P25-P27B

Posibleng lumobo pa sa P25 hanggang P27-B ang kabuuang pondo para sa itinatayong bagong gusali ng Senado sa Taguig City.

Ito ang lumitaw sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Accounts kung saan inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na posibleng madagdagan ang gastos ng 20 hanggang 25 percent dahil sa inflation.

Pero sa pagtantya ni Sen. Alan Peter Cayetano, posible pang tumaas ang gastusin sa P29-B dahil sa kanyang tantya posibleng umakyat sa 25-30% ang inflationary cost.

Hindi pa aniya kasama rito ang posibleng escalation cost na sisingilin ng contractor bunsod ng pagtaas na ng suweldo ng mga manggagawa.

Bago matapos ang pagdinig, hiniling ni Cayetano sa DPWH na magsumite ng bagong cost estimate sa gagawin pang bahagi ng konstruksyon na ibabatay sa presyo ng mga materyales ngayong taon.

Sa gitna ito ng pag-amin ng senador na malaki na ang itinaas ng presyo ng mga materyales.

Nais din ni Cayetano na bumuo ng bagong organizational chart upang mas maging mabilis ang decision making sa mga gagawin pa sa gusali.

Ibinilin din ng senador na kumpletuhin ang lahat ng dokumentong kinakailangan upang makita kung ano pa ang mga kailangang buuin.

About The Author