40,000 hanggang 140,000 manggagawa ang posibleng maapektuhan ng mga ipinatupad na taas-sahod sa iba’t ibang rehiyon, kabilang na ang ₱35 na dagdag sa daily minimum wage sa Metro Manila.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na posibleng muling tumaas ang unemployment rate dahil sa wage hike, at magkakaroon din ito ng maliit na epekto sa national output ng gross domestic product.
Gayunman, sinabi ni Balisacan na patuloy namang lumalago ang ekonomiya at masigla rin ang labor market, kaya’t nakikitang may mga magbubukas ding mga bagong oportunidad para sa mga maaaring mawalan ng trabaho.
Naniniwala rin ang NEDA Chief na hindi ito magre-resulta sa tuluyang pagsasara ng mga negosyo, dahil ibinalanse sa bawat wage order ang patas na return of investment ng mga kumpanya, at ang pangangailangan at purchasing power ng mga manggagawa.
Kaugnay dito, tinututukan ng economic managers ang paglikha hindi lamang ng pangkaraniwan kundi ng mga dekalidad ng trabaho upang mabigyan ng disenteng kita ang mga trabahador, tungo sa pag-ahon sa kahirapan ng nakararaming Pilipino.