dzme1530.ph

Mayor Alice Guo, walang magiging katanggap-tanggap na dahilan para ‘di sumipot sa pagdinig ng Senado

Walang nakikitang sapat na batayan si Sen. Risa Hontiveros upang palusutin ang posibleng pang-iisnab muli ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagdinig ng Senado, bukas.

Ito ay makaraang tanggapin na ng kampo ng alkalde sa pamamagitan ni Atty. Nicole Jamilla noong July 5 ang subpoena na ipinadala sa kanya para sa pagdinig ng Senate Committee on Women.

Sa kabila ito ng unang kabiguan ng Senate Sgt at Arms na maisilbi ang subpoena dahil sinabi ng helper ng alkalde na si Jerry Castro na ilang linggo nang hindi nagtutungo sa farm sa Bamban ang kanyang amo.

Naisilbi na rin ang subpoena para kay Nancy Gamo, ang accountant ni Mayor Alice Guo subalit hindi naisilbi ang subpoena para kina Shiela, Wesley at Seimen Guo at kanilang mga magulang na sina Jian Jhang guo at Lin Wenyi.

Nanindigan kasi ang David and Jamilla Law Offices na hindi nila kliyente ang mga magulang at kapatid ng alkalde.

Kasabay nito, nagbabala si Hontiveros na kung hindi igagalang ng alkalde ang subpoena, karapatan ng Senado na mag isyu ng warrant of arrest laban sa kanya.

About The Author