Aminado si Sen. Sherwin Gatchalian na may pangangailangang i-upgrade ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang teknolohiya sa pag-match ng identities ng mga dayuhang pumapasok at lumalabas ng bansa.
Ito ay kaugnay na rin sa kaso ng kapatid ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na si Wesley Guo na isa ring Chinese.
Natuklasan na sa loob ng tatlong taon ay palitan niyang nagagamit ang kanyang Chinese at Philippine passport sa pagpasok at paglabas ng bansa nang hindi nade-detect ng sistema ng BI na iisang tao lamang ito.
Ipinaliwanag ng Senador na sadyang mahina pa ang teknolohiya ng Pilipinas at kung mayroon lamang na advance na biometrics ang BI tulad ng facial at fingerprint recognition ay tiyak na mahaharang ang sinumang kahina-hinalang papasok sa bansa.
Sa ngayon anya marami nang bansa ang hindi na gumagamit ng passport dahil facial recognition na lamang ang gamit kung saan lalabas na ang pangalan at iba pang detalye ng isang tao.
Umapela si Gatchalian sa BI na maging aktibo na sila sa pagharang kay Wesley Guo o si Guo Xiang Dian kasunod na rin ng kumpirmasyon sa pagkakilanlan niya kahit aktibo pa ang kanyang birth certificate at Philippine passport.