Kumpiyansa si House Speaker Ferdinand “Martin” Romualdez na sa pagtutulungan ng Marcos Administration at Kamara de Representantes ay mapababa pa nito ang inflation rate o pag galaw sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Ito ang pahayag ni Romualdez kaugnay sa inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal sa 3.7% ang inflation rate nitong Hunyo mula sa 3.9% noong Mayo.
Lumitaw na ang mababang bayarin sa enerhiya at transportasyon ang naging susi sa pagbaba ng inflation.
Binati nito ang Administrasyong Marcos sa mahusay na pamamahala sa ekonomiya dahil nagawa nitong kontrolin ang presyo ng bilihin at serbisyo na siyang sukatan ng inflation.
Ayon sa House Leader, naibaba ang inflation sa kabila ng patuloy na pandaigdigang hamon, gaya ng pagkaantala sa supply chain at kawalan ng katatagan sa pananalapi ng mga bansa na malalaki ang ekonomiya.
Nangako rin si Romualdez na tinatrabaho na nila ang amendments sa EPIRA upang mapababa ang bayarin sa kuryente, samantalang ang presyo ng bigas ay bahagya nang bumaba sa 22.5% mula sa 23% noong Mayo.